Checkmate

“Kaya mo yan ano ka ba, ikaw pa kilala kita” - Friend #1, shock absorber
“Hindi bagay sa isang katulad mo ang may pedestrian lane sa noo” - Papa P
“Basta alam mo naman kung ano ang tama” - Sis Jen
“Batukan na kaya kita friend, para matauhan ka?” - Friend #2
“May narealize ako, salamat ha.” - Stranger.
Paulit ulit din umiikot sa isip ko ang mga linyang ito na sinabi sa akin ng mga tao sa paligid ko. Mga taong binigyan ko ng halaga sa buhay ko. Ewan ko ba kung bakit, pero noob talaga ako lalo na pagdating sa ganitong usapan. Pagdating sa tema ng pag-ibig, totoong madalas akong palyado. Hindi makapagdesisyon para sa sarili ko. Wala sa matinong pag-iisip. Ako kasi yung tipo ng tao na kapag ginusto ko ang isang bagay, gagawin ko lahat makuha lang ‘yon, at hangga’t maaari, walang makakapigil sa akin sa gusto ko. Kaya sa mundong ito na uso ang single; isa ako sa karamihang yun na matagal naring nagpepretend na masaya pagdating sa ganitong usapan. Maraming tanong at naguguluhan.
Pride? Meron ako nun! Mas mataas pa sa Eiffel Tower ang pride ko. Kaya nga ilang beses ko narin pinag iisipan kung isusulat ko ‘to eh. Kaso dumating na ata sa puntong parang sasabog na ako sa pagkikimkim ng lecheng pride na yan just to keep my composure when in fact, wala na akong lusot sa totoong nararamdaman ko. Nakain na lahat ng matatapang na pawns ko. Andyan na ang pagkabigo. Sa madaling salita, wala na akong lusot. Ayun, checkmate na ‘ko.
Sadyang complicated talaga ang buhay ‘no? Bakit ‘pag gusto sayo, ayaw mo? Pag gusto mo naman, ayaw sayo? Sabi nga sa isang fairy tale, bakit kailangan pang humalik sa iba’t ibang palaka bago matagpuan ang prinsipe? Ano bang magandang bagay ang maidudulot sayo ng palaka? Kulugo na kailangan mo pang durugin ng upos ng mainit na sigarilyo bago mawala? At pagkatapos mawala ng kulugong yun? Anong mangyayari? Mag-iiwan ng marka na ipapaalala lang sayo ang bagay na yun?
Sinubukan kong baliin ang katotohanang ‘yun. Pinilit kong mahalin ang isang taong alam kong handang maghintay para sa akin. Pinilit ko, pero bakit ga’non? Ako parin ang talo? Gusto kong maging masaya kami pareho pero bakit parang ayaw ng tadhana? Bakit kahit ilang beses kong baliin ang katotohanan, bumabalik at bumabalik parin ito sa dati nitong anyo? Ngayon, wala na siya, hinahanap ang bagay kung saan siya sasaya. Masaya ako para sa kanya pero minsan gusto ko rin batukan ang sarili ko— Bakit ba kasi hindi nalang siya? Bakit kahit anong gawin ko kaibigan lang ang turing ko sa kanya?
Karma ba ‘tong pinagdadaanan ko ngayon? Cycle na ba ‘to? Pa’no ba ko makakaalis dito?
Minsan gusto kong umakyat sa tuktok ng bundok at doon ko isisigaw lahat. Unfair ang buhay! Meron ka nga nito, meron ka nga ‘non, pero hindi mo naman makuha ang gusto mo. Minsan gusto kong sumigaw at sabihin sa Taong nagplano ng lahat na… pwedeng siya nalang? Pwedeng ganito nalang? Sa pagkakaalam ko po kasi wala naman akong ginawang masama. Nagmahal lang naman ako. Bawal po ba yun?
Pero ewan ko. Siguro naging patas lang ang tadhana sakin. Panalo ako sa ibang bagay pero minsan kailangan din siguro nating tumanggap ng pagkatalo. Minsan kailangan ibaba ang pride para marealize na normal lang ang masaktan at mabigo. Lagi kong iniisip ang sinasabi ko ngayon sa sarili ko. Alam ko namang lahat ng bagay ay may dahilan. Siguro hindi ganito ngayon, pero darating ang panahon na may nakalaan para sayo. Corny pero naniniwala parin ako ‘dun— kahit nakakapagod, kahit na sa ngayon, mahirap paniwalaan.
Magandang laban ang chess na ‘to. Kaya pala categorized as sports dahil para kang naglalaro sa Olympics lalo pa’t hindi ka sanay. Nakakapagod. At the same time, nakakachallenge din sa utak. Parang ngayon. Ngayon ko narerealize na kailangan palang balanse ang utak at puso sa lahat ng bagay. Kung nasa puso mo ang pagkapanalo, kailangang gamitan mo rin ng utak ang bawat galaw na gagawin mo. At lahat ng bagay na yun ay dapat naayon sa tamang galaw. Halimbawa, kung ang King ay dapat gumalaw ng one square direction lang, kailangan mong sundin yun or else, nandadaya ka at masasaktan ka lang at ang ibang tao. Hindi masaya ang pagkapanalo dahil alam mong nandaya ka. Hindi pwedeng puso lang, hindi rin pwedeng puro utak lang. Parang sa paggawa ng isang obra, kailangang parehong maganda sa paningin at may gustong sabihin.
To be a chess master, you have to be a beginner. Hindi lang sa chess, pero sa kahit ano pa mang bagay. Hindi ako expert sa larong ito pero alam kong marami pa akong mapagdadaanan. Marami pang laro na kailangan laruin upang maging bihasa rito. Ilang beses ko mang i-deny pero at this point, tanggap ko na ang pagkatalo ko. Magandang laban, marami akong natutunan. Salamat.
Alam kong tatanggap pa ako ng maraming pagkatalo. Ayokong magmadali, pero pagkatapos ng lahat ng pagkatalong nakuha ko; alam kong mas masarap sa pakiramdam ang manalo na sinunod mo ang tama at ang rules na naaayon sa katotohanan, and as early as now sa itatakdang panahon ng dakilang Chess Master alam kong darating ang panahon na sa kabila ng lahat ng ito, maihahanda ko rin ang sarili kong magpacheckmate sa taong matatanggap ang lahat ng pagkatalo sa buhay ko.
No comments:
Post a Comment